Malayo man ako sa aming bayan ngayon ay di na rin lingid sa akin kung anong meron sa Mahal na Araw ngayon. Masasabi ko siguro na mas payak, tahimik at halos ordinaryong araw na lamang ito. Ang aking katanungan ay ito…. Sa pagbabagong naganap, ito ba ay mas napaganda dahil naging mas mataimtim ang pagdiriwang ng Mahal na Araw o ito ay isang katunayan lamang na sa pag daan ng panahon ay nawala na ang tamis at giliw ng ating bayan sa kanyang mga mamamayan at maging sa mga bisita ng ating bayan?
Ito ba ay epekto ng teknolohiya? Baka naman kasi katulad ko, nasa facebook na rin lang nakatambay ang mga kabataan o bakasyonista ng ating bayan. Di tulad dati, magiliw na naghihintayan ang mga tao sa plaza para sabay-sabay na magsimba o sumama sa prosesyon. Ngayon marahil kung di FB ay malamang sa unlitext na lamang umaasang makakapag-kumustahan.
Ito ba epekto ng pagpapalit ng mga namumuno sa bayan o politika? Hindi natin matatangi na noong mga iilang angkan lamang ang nagpapalitan sa pamumuno sa ating bayan ay sila rin ang madalas may kasamang mga bakasyonista mula sa kamaynilaan. Sila at ang kanilang mga bisita rin ang madalas na tambay sa plaza, at syempre dahil sila ang namumuno sa ating bayan sila rin ang magbibigay permit sa mga baratilyo at color games.. sa pagkakataong ito ang mga taal na taga bayan o karatig na barangay ay hitik din at makikipagsisiksikan.. Dito na nagsisimula ang mala fiestahang dami ng tao at kasiyahan na minsan ay hangang madaling araw. Dito na rin nagsisimula ang mga kursonadahan at hagaran!
Ito ba ay epekto ng pagbabago sa ekonomiya? Dalawang bagay lang po iyan sa usaping ito. Una naghihirap ba ang mamamayan at nagtitipid! Di na lang sila uuwi o magsasama ng bisita kasi nga mahirap ang buhay. Wala na ring handaan dati kasi kahit kailangan mangilin magpapatay pa rin ng baboy kasi may bisita nga di ba? Ikalawa, mas umasenso na ang mga taga Abra! Imbis na mag Mahal na Araw sa ating bayan ay nasa Boracay, Palawan, Puerto Galera, o baka naman Hong Kong, Singapore, Thailand o Italy. Doon na lang sila mag ninilay ika nga!
Ano po sa tingin nyo? Alin ang mas mainam? Mahal na Araw Noon o Ngayon?
No comments:
Post a Comment